Bagahe

Bagahe By: Xandriane E. Loriega


Ang problema ay nasa parisukat na nakausli sa aking kanang balikat.
Minsa’y nakaaba sa aking nababaluktot na likuran,
madalas pumupulupot sa mga bisig na ngalay.
Laman nito’y samo’t-saring pagdududa na nais kalimtan;
saloobing hindi lubos maunawaan –
patuloy na bumabagabag sa bawat sulok ng isipan.
Nilalaman nito ay ang mga katanungang patuloy na
naghahanap ng tiyak na kasagutan;
sagot na noon pa’y natagpuan subalit pilit na tinatalikdan.

Ang problema ay nasa parisukat na de-gulong
na hinihila ng aking pawising palad –
Minsa’y binubuhat kapag daan ay lubak,
madalas iniiwan ngunit muli ring binabalikan.
Nilalaman nito ang mga suliraning na sa aking harapan;
mga responsibilidad na hindi ko nais gampanan.
Laman din nito ang mga mithiing nais kong makamtam –
subalit salat at yaring kapos sa kaginhawaan,
ito’y hanggang bubutihing pangarap
at mananatiling bituing susungkitin mula sa kalangitan.

Magaan man o mabigat, ang parisukat ay aking pasan
simula sa pagmulat ni Araw hanggang sa pagtulog ni Buwan,
ito’y sumasandal, dumidikit at nananatiling nariyan;
sa balikat, sa likod, o sa bisig man;
hinihila, binubuhat o binabalikan;
akay-akay, dala-dala ang bagaheng aking taglay
kasa-kasama ko sa aking paglalakbay.
Masalimuot ang gabi kung lama’y madagdagan
mapalad ang araw kung ito’y mabawasan.