A Soon To Be OFW’s Prayer

A Soon To Be OFW’s Prayer

By: Xandriane E. Loriega


O, ray of light that shines down upon us
hear the cries of your lowly servants:
freedom from the chains of doubt and regret;
release us from the sorrow of desires unmet.

Allow us to discover what’s beyond the border
to dance in exotic fields with raging colors –
us restricted and bound by persuasive traditions
of nursing the old and raising other’s children.

Grant us the grace to explore beyond ourselves
and realize the crafts we’re created to delve –
awaken our fire, fuel our thirst;
kindle the flame; unleash the child.

Grado

Grado By: Xandriane Loriega


Ang mga numerong iginuhit ng aking mga guro
sa kapirasong papel ay patunay sa aking mga abilidad –
magsaulo ng mga parirala at kumabisado ng libro;
magbasa mula sa unang pangungusap
hanggang sa huling salita – subalit ito lamang
ang aking natatanging kakayahang nakuha;
ang buong buhay na ginugol sa pag-aaral
ay walang malinaw na punlang naitanim
at walang matinong aanihing bunga

Ang mga numerong ito ay isang katibayan
na ako’y naging hangal at nabulag
sa mga prestihiyosong karangalang
kaakibat ng matataas na grado –
panandaliang kasiyahan, pang glamor Kodak lamang;
isang instrumentong panglikom ng dekorasyong
ipangsasabit sa harap ng salas –
mayroon lang maipagyayabang sa bisitang walang muwang
at sa kapitbahay na walang nais kundi ay makalamang

Anong saysay nang mga sanaysay
kung ang diwa ng pag-aaral ko’y naglaho;
ako’y nawala sa kawalan ng mga mangmang
na walang alam kung hindi ang magbilang
ng mga numerong walang kahulugan –
sa pag-iisip na to’y magdidikta ng mabuting kinabukasan,
at kaligayahang matatamasang pang-wakasan;
naglahong pagkakakilanlan
at pagkaalila sa sakim na kaisipan
ang tanging naiambag sa aking kasarinlan.

Bagahe

Bagahe By: Xandriane E. Loriega


Ang problema ay nasa parisukat na nakausli sa aking kanang balikat.
Minsa’y nakaaba sa aking nababaluktot na likuran,
madalas pumupulupot sa mga bisig na ngalay.
Laman nito’y samo’t-saring pagdududa na nais kalimtan;
saloobing hindi lubos maunawaan –
patuloy na bumabagabag sa bawat sulok ng isipan.
Nilalaman nito ay ang mga katanungang patuloy na
naghahanap ng tiyak na kasagutan;
sagot na noon pa’y natagpuan subalit pilit na tinatalikdan.

Ang problema ay nasa parisukat na de-gulong
na hinihila ng aking pawising palad –
Minsa’y binubuhat kapag daan ay lubak,
madalas iniiwan ngunit muli ring binabalikan.
Nilalaman nito ang mga suliraning na sa aking harapan;
mga responsibilidad na hindi ko nais gampanan.
Laman din nito ang mga mithiing nais kong makamtam –
subalit salat at yaring kapos sa kaginhawaan,
ito’y hanggang bubutihing pangarap
at mananatiling bituing susungkitin mula sa kalangitan.

Magaan man o mabigat, ang parisukat ay aking pasan
simula sa pagmulat ni Araw hanggang sa pagtulog ni Buwan,
ito’y sumasandal, dumidikit at nananatiling nariyan;
sa balikat, sa likod, o sa bisig man;
hinihila, binubuhat o binabalikan;
akay-akay, dala-dala ang bagaheng aking taglay
kasa-kasama ko sa aking paglalakbay.
Masalimuot ang gabi kung lama’y madagdagan
mapalad ang araw kung ito’y mabawasan.